HINDI angkop na itigil ng Senate Impeachment Court ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte kesehodang magbitiw sa pwesto ang pangalawang pangulo, ayon sa isang partylist congressman.
Gayunpaman, kumbinsido ni Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon na hindi bababa sa pwesto bilang bise-presidente si Duterte.
Una nang umugong ang usap-usapan hinggil sa umano’y plano ng pangalawang pangulo magbitiw sa pwesto bago pa man mailantad sa korte ang mga katibayan hinggil sa tagong yaman ni Duterte at asawang Mans Carpio.
“Ang totoo naman po, that is just a speculation. I think I’ve seen the same post, pero tingin ko that is just a speculation that the Vice President will resign,” wika ni Ridon na kabilang sa hanay ng prosekusyon.
“Kasi ang totoo naman po, bahala ang Pangalawang Pangulo how she will want the trial to proceed, whether she will resign or fight it till the end,” dugtong ng partylist solon.
Aniya, kahit pa abandonahin ng bise presidente ang pwesto bilang pangalawang pangulo, dapat na magpatuloy pa rin ang impeachment trial dahil hindi limitado sa pagsipa sa tungkulin ang hatol ng korte. Kaakibat din ng hatol ang perpetual disqualification from holding public office.
Gayunpaman, nilinaw ng mambabatas na nasa pagpapasya pa rin ng korte kung itutuloy ang impeachment proceedings kapag nag-resign si Duterte.
“We will leave it to the Senate Impeachment Court in that event kung dapat nga po bang tuloy pa o hindi ’yung paglilitis,” aniya pa.
Giit pa ni Ridon, ang pagbibitiw ni Duterte ay hindi nangangahulugan absuelto na siya sa kinakaharap na kaso dahil maaaring ituloy ng Office of the Ombudsman ang paghahabol sa akusado sa impeachment court.
“Yung Ombudsman pwede pong i-pursue yan even if an impeachable official resigns. Pwede pong ituloy ng Ombudsman, whether through criminal proceedings or administrative proceedings po.”
