SA pagpasok ng tag-ulan, higit na angkop maging maingat ang publiko sa nakaambang peligro ng leptospirosis na posibleng makuha sa paglusong sa baha.
Panawagan ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QC-ESD) sa mga nagtampisaw, lumusong o nakatira sa mga mababang lugar, maging alerto sa mga sintomas ng leptospirosis.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng QC-ESD ang sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha na karaniwang pinagmumulan ng sakit ng leptospirosis.
Paliwanag ng naturang tanggapan, nakukuha ang sakit sa tubig-bahang kontaminado ng ihi o dumi ng mga hayop tulad ng daga. Pumapasok anila ang bacteria sa mga sugat sa balat, o sa hindi sinasadyang pag tilamsik ng tubig-baha sa mata ilong at bibig ng tao.
Payo ng QC-ESD, magtyagan ang mga sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng ulo at katawan, pagsusuka, panginginig, paninilaw ng balat, at pamumula ng mata.
Hinikayat din ng lokal na pamahalaan ang agarang pagkonsulta sa mga health center sa lungsod para sa libreng konsultasyon at gamot kung kinakailangan.
