SA gitna ng pasakit na kinakaharap ng mga mamamayan bunsod ng mataas na singil sa kuryente, isang panukalang batas ang inihain sa Kamara sa pagnanais bigyan ng oportunidad ang bawat pamilya makapag-imbak ng sariling kuryente sa bisa ng solar energy.
Sa ilalim ng House Bill 10431 (Sariling Kuryente Act) na akda nina House Speaker Faustino Dy III at Majority Leader Sandro Marcos, hindi lang libreng kuryente ang pakinabang ng pangkaraniwang mamamayan sa tulong ng mga solar panels na may kakayahang mag-imbak ng kuryenteng pwedeng ibenta sa merkado.
Panawagan ni Marcos sa mga kapwa kongresista, suportahan ang HB 10431 na nagsusulong alisin ang mga balakid para sa pagpapalagay ng rooftop solar panels, battery storage at iba pang kahalintulad na behind-the-meter energy systems.
“President Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr. wants energy policy to give people real choices, and Speaker Bojie Dy and I believe those choices should begin at home. Kung kaya ng isang pamilya o negosyo na gumawa at mag-store ng sariling kuryente, government should clear the path instead of treating them like a commercial power producer,”wika ng Ilocos Norte solon.
Isinusulong ng naturang panukalang batas ang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act of 2001 partikular ang pagtukoy sa kuryenteng nilikha bilang personal consumption at ang power generated for commercial sale.
Kaya naman ang isang end-user na nag-o-operate ng behind-the-meter generation o storage system para sa personal use ay hindi na maituturing bilang isang generation company.
Ang mga sistema naman na gumagamit ng equipment, na certified mula sa standards na itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC), na humaharang sa pagpasok ng kuryente sa distribution grid ay hindi na kinakailangan kumuha ng certificate of compliance o ERC authorization.
Pagbabawalan din ang distribution utilities na hingan muna sila ng approval, agreement, technical study, meter replacement o dagdag na bayarin para maging qualified non-exporting systems.
Sa halip, ang may-ari ng solar power, battery storage at iba pang uri ng behind-the-meter systems ay kinakailangan lang ipaalam sa distribution utility na tapos na ang kanilang installation.
“This bill protects consumers from needless delays without compromising safety, which is the balance President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. has consistently demanded and Speaker Bojie Dy has helped us pursue in the House. Ang mensahe nito ay malinaw: families should be free to invest in their own power supply under fair and uniform rules.”
