KAISA ang pamunuan ng Kamara sa pagkilala kay Filipino tennis star Alex Eala sa panibagong kasaysayan naitala ng huli matapos makopo ang kauna-unahang nitong WTA Tour title.
Sa pangunguna ni House Speaker Faustino Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos, nagpaabot ng pagbati kay Eala ang Kamara.
“Ang sarap ng pakiramdam na makita kang manalo, Alex,” bungad ng House Speaker sa kanyang social media message.
“Years of sweat and sacrifice resulted in history—the first Filipina to win a WTA title. Nakakatuwang isipin na ang pinaghirapan ng isang Pilipina ay nakapagpasaya sa milyun-milyong Pilipino,” dugtong ni Dy.
Aniya, ang tagumpay ni Eala ay isang patunay na walang pangarap na hindi kayang abutin kung may tiyaga, disiplina, at dedikasyon sa pagtahak ng landas patungo sa tagumpay.
Para kay Dy, isang inspirasyon sa mga kabataang Pilipino si Eala.
“Congratulations on your first WTA title. You make every Filipino proud every time you step on the court. Maraming salamat,” wakas na sabi ng House Chief.
Para kay Marcos, dapat ipagmalaki ng bawat mamamayan Filipino ang tagumpay na nakamit ni Eala.
“She has brought immense pride for her great accomplishment, not only personally for herself but for all her compatriots and for the entire country,” sambit ng Ilocos Norte solon.
“We are proud of her, the whole nation is proud of her,” dagdag ni Marcos sa sunod-sunod na tagumpay ni Eala sa Mubadala Citi DC Open sa Washington at iba pang naunang torneo.
Inilarawan naman ni Marcos ang pag-angat sa rankings ng Pinay tennis sensation bilang purong pagsisikap nito.
Samantala, pormal na rin inihain nina Dy at Marcos ang House Resolution 1286 na nagpapahayag ng papuri at pagbati kay Eala.
