DAHIL inaprubahan at sinertipikahan mismo ni Vice President Sara Duterte ang liquidation report ng P125-million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), malinaw na may direktang partisipasyon ang pangalawang pangulo paggastos ng nasabing pondo.
Ito ang inihayag nina House private prosecutor Jay Tolosa at House trial spokesperson at Kabataan partylist Rep. Renee Co.
Partikular na tinukoy ni Tolosa ang testimonya ni Commission on Audit (COA) auditor Roderick Wamil na nagbigay kumpirmasyon na lagda ng pangalawang pangulo ang nasa OVP disbursement voucher, liquidation report, accomplishment report at certification para sa P125-million confidential fund cash advance para sa fourth quarter ng 2022.
Nilinaw ni Tolosa na ang mga dokumento na binusisi sa impeachment trial ay galing mismo sa OVP na isinumite sa COA.
“These documents came from them, so very difficult to contest it, pati ’yung mga lahat ng in-identify niya kanina,” anang private counsel.
“Nakita natin na may direct hand ang Vice President dito sa mga liquidation documents na ito. Tinatanong siya: ano ang significance nito kapag may ‘Approved by’ the Vice President or certification niya?”
Ayon sa House legal spokesperson, maayos ang testimonya ni Wamil sa kabila ng pagtanggi na depensa na kilalanin at tanggapin ang mahigit sa 800 acknowledgment receipts na isinumite ng OVP.
Sa panig ni Co, tiniyak niyang tututukan at tuloy-tuloy na aalamin ng prosekusyon kung saan napunta ang confidential at intelligence funds ni Duterte.
“May mga paunang tanong si Atty. Lorna Kapunan, gaya ng mga millions na nakalagay supposedly for medicines or even for housing. Nandoon ba yan sa in-enumerate ng Joint Memorandum Circular na pwedeng paggastahan ng confidential and intelligence funds?”
