SA anumang ahensya ng pamahalaan, may pinamabigat ang pananagutan ng namamahala sa tanggapan.
Para kay former Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tumatayong House impeachment trial adviser, saklaw ng responsibilidad ni Vice President Sara Duterte ang confidential funds ng Office of the Vice President na kanyang direktang pinamamahalaan — gayundin ang Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan bilang Kalihim ng naturang kagawaran.
“Yes, the head of the agency appoints the SDOs, ito si Fajarda and si Acosta. But to me, they are just mere pawns,” wika ni Barbers, na ang pinatutungkulan ay sina Gina Acosta ng OVP at Edward Fajarda ng DepEd, kapwa tumayong special disbursing officers ni Duterte.
“Sila lang yung magdi-disburse, at sila yung may authority given by the head of the agency to disburse these funds and make sure that the funds are properly used and properly spent on items that are allowable under the Joint Circular,” dagdag niya.
“So, sa tingin ko, hindi maiaalis ang pananagutan ng head of the agency dito sa usapin ng confidential funds. Kasi nga, siya ang pumipirma sa physical and financial plans, siya ang pumipirma sa liquidation, siya ang pumipirma sa mga iba pang certification,” punto pa ni former Surigao del Norte congressman at governor.
Ang pahayag ay ginawa ni Barbers matapos punahin ni Palace Press Officer Claire Castro ang pahayag sa impeachment trial na tanging ang SDOs ang dapat magdiin sa sinasabing maling paggamit ng confidential funds at hindi ang pinaka-ulo nito.
Nakapaloob sa Article I ng Articles of Impeachment laban kay Duterte na aabot sa P500 million ang nairelease sa OVP mula sa huling quarter ng 2022 hanggang sa third quarter ng 2023 at nasa P112.5 million naman sa DepEd sa unang tatlong quarter ng 2023, panahon ang una ang namumuno nito.
Batay aniya sa testimonya ni Commission on Audit (COA) State Auditor Roderick Wamil sa Senate impeachment court, ang head of the agency ang siyang may pinakamataas na antas ng responsibilidad sa ilalim ng Government Auditing Code at Joint Circular No. 2015-01 na nagsisilbing gabay sa paggamit ng confidential at intelligence funds.
