HINDI pa man nakakalusot sa santambak na asuntong nakabinbin sa husgado, isang panibagong kaso ang inihain ni Vice President Sara Duterte laban sa nagpakilalang “bagman” ng pangalawang pangulo.

Partikular na tinukoy ni dating presidential legal counsel Salvador Panelo ang kasong perjury na inihain laban kay Ramil Madriaga kaugnay ng mga umano’y kasinungalingan sa supplemental affidavit na nakatakdang gamitin ng House prosecution panel sa paglilitis ng Senate impeachment court sa bise-presidente.

Inihain ang reklamong perjury laban kay Madriaga sa Office of the City Prosecutor sa lungsod ng Taguig.

Ayon kay Panelo, malinaw na lumabag si Madriaga sa Article 183 ng Revised Penal Code bunsod ng aniya’y “malicious and deliberate falsehoods” sa mga sinumpaang testimonya laban sa pangalawang pangulo.

Kalakip ng halos 1,000 pahinang reklamo ang sinumpaang salaysay ng 12 corroborating witnesses, mga opisyal na dokumento at sertipikasyon ng gobyerno at iba pang opisyal.

Kasama rin umano sa isinumiteng reklamo ang mga mensahe, litrato at public records na sinasabing magpapatibay alegasyon ni Duterte.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *