SA gitna ng mabilis na paglobo ng mga kumpirmadong tinamaan ng leptospirosis sa nasasakupang lungsod, ganap nang idineklara ni Mayor Isko Moreno ang epidemya sa Maynila.

Sa ulat ng Manila City Health Office kay Moreno, pumalo na sa 3.48 percent ang attack rate ng kontaminasyon bunsod ng mga pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Paglalarawan ni Dr. Grace Padilla na tumatayong hepe ng Manila City Health Office, “epidemic condition” ang pagkalat ng leptospirosis na may attack rate na 1.27 percent noong nakaraang linggo.

Nasa full capacity na rin aniya ang Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital at Justice Jose Abad Santos General Hospital.

Bilang tugon, inatasan ni Domagoso ang iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan paigtingin ang kampanya laban sa leptospirosis, partikular ang pagbibigay ng impormasyon sa publiko tungkol sa libreng doxycycline capsules na makukuha sa lahat ng 44 health center at pitong district hospital sa lungsod.

Para kay Moreno, ang pamahalaang lungsod, katuwang ang Manila Health Department at 896 barangay, ang dapat lumapit sa mga residente upang mamahagi ng doxycycline sa mga lugar na apektado ng pagbaha sa mga nakalipas ng linggo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *