MALAMIG na rehas ang kinahinatnan ng isang 53-anyos na lolo matapos di umano molestyahin ang isang taong gulang na sanggol na anak ng kanyang kapitbahay sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) – Novaliches Police Station (PS 4) chief Lt. Col. Jerry Castillo ang suspek na si Leonardo Santos, 53, at residente ng Kingspoint Subdivision, Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City.
Si Santos ay inaresto sa bisa ng reklamo ng mga kaanak ng minolestyang isang taong gulang na sanggol.
Batay sa ulat ng PS-4, dakong ala-1:00 ng hapon noong Hulyo 1 nang maganap ang insidente sa loob ng tahanan ng suspek.
Nauna rito, ang biktima ay nasa kanilang bahay at inaalagaan ng kanyang batang kuya, nang biglang dumating ang suspek.
Inalok umano ng suspek ang kuya ng biktima na siya na ang mag-aalaga sa baby upang makapaglaro ito sa labas kasama ang kanyang mga kaibigan.
Pumayag naman umano ang kuya at naglaro sa labas habang dinala ni Santos ang sanggol sa kanyang bahay.
Laking gulat naman umano ng kuya ng sanggol dahil nang susunduin na niya ang kapatid, ay nakitang nakapatong dito ang hubo’t hubad na suspek.
Mabilis naman umanong nagsumbong ang kuya sa kanyang mga magulang, na agad nagreport sa mga pulis at dinakip ang suspek.
Nakapiit na ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 o The Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa Quezon City Prosecutor’s Office.
