SA hangaring maibsan ang epekto ng nakaambang tigil-pasada ng mga tsuper at operator ng mga pampasaherong jeep sa Metro Manila at mga karatig lalawigan, ikinasa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang libreng-sakay sa mga rutang apektado ng tatlong-araw na welga.
Ayon kay LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III, tukoy na rin ng kanyang ahensya ang mga lugar sa Metro Manila na inaasahang paparalisahin ng transport strike na itinakda ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (Manibela).
Aniya, marami na silang nakahandang libreng sakay matapos na makausap nila ang mga kumpanya ng bus at iba pang asosasyon ng transportasyon na handang isakay ang mga pasaherong umaasa sa pampublikong transportasyon patungo at pauwi mula sa kani-kanilang trabaho..
Una nang binalaan ng LTFRB ang mga jeepney driver at operator na babawian ng prangkisa kapag sumama sa gagawing tigil-pasada ng Manibela.
Hindi naman nagpatinag ang Manibela sa banta ng LTFRB at sa halip ay nagbanta rin sila na paparalisahin ang daloy ng trapiko sa National Capital Region (NCR) sa ikinakasa nilang 3-araw na tigil-pasada sa susunod na linggo.
Ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena, tuloy ang kanilang transport strike mula Hulyo 24 hanggang 26, kasabay ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang protesta sa kabiguan ng Department of Transportation na tuparin ang pangako sa hanay ng mga namamasadang tsuper.
