SINUSPINDE ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang klase sa lahat ng antas para sa pribado at pampublikong paaralan sa lungsod sa Lunes, Hulyo 24, upang bigyang daan ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Base sa Executive Order No. 23 na nilagdaan ni Belmonte, partikular na tinukoy sa direktiba ang mga estudyanteng nasa tinaguariang ‘summer class’ at yaong mga pinababalik para sa remedial classes.
Kasabay ng SONA, inaasahan ang pagsipa ng unang araw ng transport strike sa ng mga tsuper at operator ng mga pampasaherong jeep sa mga pangunahing ruta sa Metro Manila – bagay na tinapatan naman ng libreng-sakay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Bilang seguridad, nakatakda rin magpatupad ng lockdown ang Philippine National Police (PNP) sa Batasan Complex kung saan gagawin ang ikalawang SONA ng Pangulong Marcos.
Payo sa mga motorista, iwasan dumaan malapit sa Batasan Complex at sa halip ay humanap ng alternatibong ruta para iwas abala.