SA halip na Hulyo, iniurong sa Mayo ng Department of Education (DepEd) ang pagtatapos ng klase sa mga pribado at pampublikong paaralan bilang paghahanda sa pagbabalik ng lumang academic calendar pagsapit ng taong 2026.
Ayon kay Undersecretary Michael Poa na tumatayong tagapagsalita ng DepEd, kasado na sa Mayo 31, 2024 ang pagtatapos ng School Year 2023-2024 batay sa Order No. 003, s. 2024 na inilabas ng ahensya.
“Yes, magsisimula sa June 1 ang schoolbreak na matatapos naman sa July 26, 2024,” kumpirmasyon ng DepEd spokesperson.
Samantala, nagpahayag naman ng suporta ang militanteng ACT-Teachers Partylist sa desisyon ng kagawaran – “Ito ay bahagyang tagumpay at unang hakbang para maibalik sa June to March ang school calendar year. Congrats teachers and students!” ayon sa isang pahayag.
