WALANG plano ang Department of Education (DepEd) panghimasukan ang pagpapasya ng mga pribadong paaralan sa usapin ng pagpapalit ng school calendar.
Paglilinaw ni DepEd Assistant Secretary Francis Bringas, tanging mga pampublikong paaralan lamang ang saklaw ng anunsyo ng kagawaran hinggil sa unti-unting pagbabalik ng lumang school calendar na mula Hunyo habang bakasyon naman ang mga buwan ng Abril at Mayo.
Pag-amin ni Bringas, may ilang mga pribadong paaralan na ang nagbukas ng klase noong Hunyo at Hulyo, 2023 para sa SY-2023-2024.
Meron din naman aniyang nagbukas ng klase noong Agosto, kasabay ng pagbubukas ng klase ng mga pampublikong paaralan.
“Yung mga private schools na sumabay sa public schools na nag-open ng August, hindi naman sila mandatory na mag-adjust ng kanilang school calendars. They still have the option to maintain their approved calendar or adjust accordingly.”
Batay sa pinakahuling DepEd order, hanggang Mayo na lang ang klase sa mga pampublikong paaralan, na susundan ng school break na sasaklaw sa mga buwan ng Hunyo at Hulyo.
Itinakda naman ang pagbubukas ng klase sa ika-29 ng Hulyo at magtatapos pagsapit ng Mayo 16 ng susunod na taon.
