SA hangaring bigyang-daan ang puspusang paggawa ng 147-kilometrong North-South Commuter Railway (NSCR) project, tigil-byahe muna sa susunod na limang taon ang mga tren ng Philippine National Railways (PNR).
Sa kalatas ng Department of Transportation (DOTr), magsisimula ang suspensyon ng byahe ng PNR sa Metro Manila pagsapit ng Marso 28. Apektado sa tigil-byahe ang rutang Governor Pascual-Tutuban at Tutuban-Alabang.
“During the PNR suspension of operations in Metro Manila, the construction of the NSCR will be expedited by eight months, and save at least PHP 15.18 billion from the project,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng DOTr.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ipinatupad ang suspensyon sa mga byahe ng PNR sa Metro Manila para tiyakin ang kaligtasan ng mga commuter sa mga habang ginagawa ang NSCR.
Sa isang bukod na pahayag, pinawi naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang agam-agam ng mga apektadong pasahero. Ayon sa LTFRB, may mga alternatibong ruta ng bus para sa mga commuter na apektado sa tigil-byahe ng PNR.
“Buses on the Tutuban route to Alabang and vice versa are expected to drop off and pick up passengers near the current PNR route.”
Base sa datos ng PNR, higit 30,000 pasahero kada araw ang apektado ng tigil-byahe ng PNR sa Metro Manila.
Nangako naman ang DOTr na sakaling matapos ang NSCR project ay mas marami pang pasahero ang makikinabang dito.
