Ni LILY REYES
SA hangarin agad na mapigilan ang peligrong dala ng karamdamang karaniwang tumatama sa hanay ng mga bagong silang, nagdeklara ng Pertussis outbreak si Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Sa isang pulong-balitaan, binigyang diin ni Belmonte ang kagyat na tugon sa aniya’y labis na pag-ubo sa mga sanggol sa lungsod.
PAra kay Belmonte, hindi angkop na ipagwalang-bahala ng pamahalaang lungsod ang pinakahuling datos kung saan lumalabas ang pagtaas ng kaso ng pertussis sa lungsod sa huling sangkapat ng nakalipas na taon.
Lalo pang nabahala ang alkalde sa naitalang 23 kaso ng pertussis sa nakalipas na tatlong buwan ng taon. Mula Enero hanggang Marso, umabot na sa 23 ang kumpirmadong kaso ng naturang karamdaman sa mga sanggol sa nasasakupang lungsod.
Sa naturang bilang, apat na aniya ang binawian ng buhay at pawang mga sanggol na halos dalawang buwan pa lamang ipinapanganak kung saan tatlo dito ang hindi pa nabakunahan.
Ayon kay Dr Rolly Cruz ng Quezon City Epidemiology & Disease Surveillance Unit, ang kabiguan ng mga ina na pabakunahan ang kanilang mga sanggol ang isa sa mga nakikitang dahilan ng paglobo ng mga kaso ng pertussis.
Nagsasagawa na rin umano ng contact tracing ang QC Epidemiology & Disease Surveillance Unit at tiniyak na may mga quarantine area para sa mga magpopositibo sa naturang sakit.
