Ni LILY REYES
WALANG plano ang Quezon City government na magpatupad ng mandatory face mask sa kabila pa ng pagdedeklara ng outbreak kaugnay ng pagdami ng kaso ng pertussis na karaniwang tumatama sa mga bagong silang.
“Hindi naman po necessary na mandatory ang pagsusuot ng face mask, lalung-lalo na kung wala naman kayo sintomas,” wika ni Dr. Rolando Cruz na tumatayong officer-in-charge ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QC-ESD).
Gayunpaman, pinayuhan ni Cruz ang mga miyembro ng pamilya na magsuot ng protective facemask kung ang isa sa mga kasama sa bahay ay positibo sa naturang karamdaman.
“Importante po ‘yung pagsusuot ng face mask sa mga household, especially doon sa mga miyembro na may sintomas… at huwag silang lalapit doon sa mga sanggol o sa mga bata na hindi pa nababakunahan ng para sa sakit,” ani Cruz.
Nagdeklara kahapon ng pertussis outbreak si Quezon City Mayor Joy Belmonte matapos makapagtala ng 23 kumpirmadong kaso ang QC-ESD. Sa naturang bilang apat na sanggol edad anim na buwan pababa ang binawian ng buhay.
“Ang reminders namin, talagang hindi dapat ilalapit muna sa mga crowded areas ang inyong mga sanggol, nilalabas sa household para hindi sila ma-expose doon sa mga taong probably may dala ng sakit.”
