Ni EDWIN MORENO
SUGATAN ang isang babaerong sarhento matapos barilin ng asawang police major bunsod ng inabutang tagpo sa loob ng sasakyang nakaparada sa parking area ng isang shopping mall sa Calamba, Laguna.
Hindi naman binanggit sa kalatas ng Calabarzon Regional Police Office ang pagkakakilanlan ng suspek at biktima na kapwa nasa active service status ng Philippine National Police (PNP).
Sa imbestigasyon, huli sa akto ng babaeng police major ang mister na sarhento habang nakikipagtalik sa isa pang pulis na babae sa loob ng sasakyang sadyang pinarada sa sulok na bahagi ng parking area ng mall sa Barangay Canlubang.
Nasa pagamutan pa ang ang sugatang sarhento sa Police Regional Office IV-A. Mabilis naman nakaiktad ang kalaguyong policewoman.
Pag-amin ng babaeng police major, may nag timbre di umano sa kanya hinggil sa kinaroroonan ng asawang sarhento habang kasama ang kalaguyong kabaro – hudyat para sadyain ang tinukoy na lugar.
Dito na tumambad ang mahalay na tagpo sa loob mismo ng kotse sa parking area ng mall. Nang mahuli sa akto, mabilis na tumakbo ng babaerong sarhento pero tinamaan pa rin ng bala matapos putukan ng asuntadong misis.
