Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA pakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) personal na pinangasiwaan House Deputy Speaker at Las Piñas City Rep. Camille Villar ang pagkakaloob ng tulong pinansyal para sa nasa 2,000 college students ng lungsod.
Ayon kay Villar, hangad ng pamahalaan tulungan at tugunan ang pangangailangan ng maralitang pamilya sa Las Piñas City bilang bahagi ng adbokasiyang nagtutulak maiangat ang estado ng pamumuhay ng mga benepisyaryo.
Sa pamamagitan aniya ng naturang programa, umaasa siyang magkakaroon ng pag-asa at determinasyon ang mga kabataan na ituloy ang pag-aaral sa kabila ng kinakaharap na hamon.
“Education is the great equalizer. Mahalagang makatapos sa pag-aaral ang ating mga kabataan nang makatulong sila sa pag-ahon sa kanilang mga pamilya mula sa kahirapan,” diin pa ni Villar.
Aniya, sa pamamagitan ng edukasyon, magkakaroon ng malaking oportunidad ang bawat pamilya mapabuti ang kanilang pamumuhay – pangarap na mabilis maisasakatuparan sa tulong ng pamahalaan.
“Sa pamamagitan ng ating munting tulong, nais nating ipakita sa ating mga kabataan na laging handa ang pamahalaan para tulungan sila sa pag-abot sa kanilang mga pangarap,” pahayag pa ni Villar, na siya ring CEO ng ALL Value Group at managing director ng real estate firm Vista Land.
