Ni LILY REYES
GANAP nang sumipa sa Metro Manila, karatig probinsya at iba pang lungsod sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang tatlong araw na welga sa hanay ng mga tsuper at drayber na apektado ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na isinusulong ng gobyerno.
Sa pagtatapos ng franchise consolidation deadline ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan, target ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) paralisahin ang pampublikong transportasyon sa bilang protestal sa anila’y kawalan ng malasakit ng pamahalaan sa daan-daang libong pamilyang ng drayber na umaasa sa karampot ng kita sa pamamasada.
Pagtataya ni PISTON Deputy Secretary General Ruben Baylon, sa Metro Manila pa lang aniya, aabot na sa 100,000 indibidwal ang nagpahayag ng pakikiisa sa kilos-protestang magtatapos sa Mayo 1, Araw ng Paggawa.
Pangamba ng PISTON, tuluyang mawawalan ng hanapbuhay ang mga driver at operators pagkatapos ng April 30 ultimatum ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Kabilang sa mga inaasahang mapaparalisang lugar sa Metro Manila ang Alabang, Baclaran, Sucat, Taft Avenue, Agoncillo, Monumento, Novaliches, Litex, Anonas, Project 2 at 3, Quezon City, Katipunan at Philcoa.
Bukod sa PISTON, pasok din sa welga ang grupo ng Manibela, at mga labor groups kabilang ang militanteng Kilusang Mayo Uno (KMU).
