ASAHAN ang patuloy at walang puknat na pag-ulan sa susunod na tatlong araw bunsod ng habagat na sinabayan pa ng bagyong Hanna sa malaking bahagi ng Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA)
Batay sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, bahagyang lumakas at bumilis ang bagyong Hanna na kumikilos sa hilagang bahagi ng Sea East ng Taiwan.
Ayon pa sa PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 455 kilometro silangan hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes habang kumikilos sa kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Taglay ng bagyong Hanna ang lakas ng hanging umaabot sa 130 kilometer per hour at bugsong 160 kph.
Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes.
Kabilang sa mga daranas ng patuloy na buhos ng ulan ang Metro Manila, Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Nueva Vizcaya, Zambales, Pampanga, Bataan, Aurora, Bulacan, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas at sa hilagang bahagi ng Eastern Visayas.
Panawagan ng PAGASA, ibayong ingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.