PATAY na nang natagpuan ang dalawang presong unang inakalang pumuga sa New Bilibid Prisons sa lungsod ng Muntinlupa.
Sa tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) Forensic Science Research Service, positibong kinilala ang wala ng ulong bangkay na si Michael Cataroja na natagpuan sa septic tank ng Quadrant 3 Dorm 8 – kasama ang isa pang preso.
Ipiniit sa NBP si Cataroja matapos hatulan ng 10 hanggang 12-taong kulong sa paglabag sa Presidential Decree 1612 (Anti-Fencing Act Law) habang patuloy naman ang pagdinig ng kasong carnapping sa Branch 71 ng Antipolo Regional Trial Court.
Hulyo 14 nang huling nakitang buhay si Cataroja.
Samantala, plano ng Department of Justice (DOJ) maglunsad ng mas malalim na imbestigasyon sa paniwalang may iba pang mass grave sa loob ng maximum-security compound ng NBP.
Ayon kay Justice Sec. Crispin Remulla, posibleng may hanggang dalawa pang mass grave na mahahanap sa loob ng maximum-security compound, matapos makita ang bangkay ng dalawang nawawalang preso sa loob ng isang septic tank.
“Maraming buto ang nahanap sa septic tank at mukhang marami pa ang mahahanap roon kung talagang huhukayin lahat ‘yan,” dagdag ni Remulla.