SA paniwalang makakalusot sa bulilyasong kinasasangkutan, ibinuking ng mag-asawang Discaya ang umano’y partisipasyon ng mga kongresista sa likod ng ghost flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa sinumpaang salaysay na isinumite sa Senado, partikular na tinukoy ng mag-asawang Discaya ang 17 miyembro ng Kamara — gayundin ang walong DPWH officials na umanong tumatanggap ng komisyon para sa mga proyektong nasingkit ng mga kontratista.
Damay din ang dalawang undersecretaries — Presidential Assistant for the Visayas Terence Calatrava at DPWH Undersecretary Robert Bernardo.
“Ang hinihingi nilang porsyento ay hindi bababa sa 10% at umaabot pa sa 25% na naging kondisyon upang hindi maipit ang implementasyon ng kontrata. Ito ay binibigay namin sa kanila ng cash,” pahayag ni Curlee sa ikatlong pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee nitong Lunes.
“Ang bawat transaksyon ay may karampatang voucher at ledger na nagsasaad ng mga araw at kung kailan nila ito natanggap,” dagdag niya.
Sa hanay ng mga miyembro ng Kamara, kabilang sa mga kinaladkad ng mag-asawang Discaya sina:
- Roman Romulo ng Pasig City
- Jojo Ang ng Uswag Ilonggo Partylist
- Patrick Michael Vargas ng Quezon City
- Juan Carlos Arjo Atayde ng Quezon City
- Nicanor Nikki Briones of Agap Partylist
- Marcelino Teodoro ng Marikina
- Florida Robes ng San Jose del Monte, Bulacan
- Leandro Jesus Madrona ng Romblon
- Benjamin “Benjie” Agarao, Jr.
- Bem” Noel ng An Waray Partylist
- Leody Ode Tariela ng Occidental Mindoro
- Reynante Reynan Arogancia ng Quezon City
- Marvin Rillo ng Quezon City
- Teodoro Jaresco ng Aklan
- Antonieta Yudela ng Zamboanga Sibugay
- Dean Asisio ng Caloocan at
- Marivic Co Pilar ng Quezon City.

Sa hanay ng ng DPWH, inginuso ng mag-asawang Discaya sina:
- Region 5 Director Eduardo Virgilio
- Director Ramon Ariola III ng Unified Project Management Office
- District Engineer Henry Alcantara, DPWH Bulacan First
- Undersecretary Robert Bernardo
- District Engineer Aristotle Ramos ng Metro Manila First District
- District Engineer Manny Bulusan ng DPWH North Manila, Deo
- District Engineer Edgardo C. Pingol ng DPWH Bulacan Sub Deo
- District Engineer Michael Rosaria ng DPWH Quezon Second, Deo.
“Karamihan sa mga kawani ng DPWH na nabanggit sa itaas ay paulit-ulit na binabanggit ang delivery ng pera ay para kay Zaldy Co, na dapat ay at least 25%,” wika ni Curlee.
“Si Cong. Marvin Rillo naman ay ilang beses binabanggit ang pangalan ni Speaker Martin Romualdez bilang kanyang malapit na kaibigan,” dagdag pa niya. (ESTONG REYES)
