PARA kay House Speaker Martin Romualdez, walang sinuman sa mga kontratista at maging sa mga kasama sa Kamara ang may kakayahang manuhol sa kanya.
Sa isang pahayag, todo-tanggi si Romualdez sa alegasyon ng mag-asawang Pacifico at Sarah Discaya.
Ayon kay Romualdez, higit na matimbang ang integridad ng Kamara kumpara sa tinawag niyang kasinungalingan ng mag-asawang sangkot sa ghost flood control projects na nabisto mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kinastigo rin ng lider ng Kamara ang umano’y mga personalidad sa likod ng testimonya ng mag-asawang kontratista sa pagharap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon.
Pagtitiyak ni Romualdez, hindi palalampasin ng Kamara ang pagkaladkad ng magkabiyak sa institusyon.
“I cannot and will not allow lies and name-dropping to pass unchecked. The claim in the Discaya couple’s affidavit that my name was used for commissions is false, malicious, and nothing more than name-dropping. Let me be clear: Wala akong kinalaman, wala akong pahintulot, at wala akong basbas sa mga ganyang gawain,” pahayag pa ni Romualdez.
Paglilinaw ng Leyte solon, limitado ang Kamara sa pagbusisi at pagpapatibay ng national budget — at wala aniyang kinalaman sa pagpapalabas o implementasyon ng anumang infrastructure project.
Aniya, responsibilidad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang implementing agency ang anumang pagawaing bayan.
“And I say this with all honesty: I have never, and I will never, accept a bribe from anybody. Walang sinuman ang kayang manuhol sa akin. Alam iyan ng lahat ng House Members. I am self-made, and I have been blessed with the trust of the Filipino people. I do not need—and will never allow myself—to be corrupted by money that does not belong to me,” ani Romualdez.
“Kung may nang-abuso o gumamit ng pangalan ko para kumita, sila ang dapat managot—kahit sino pa sila, sa loob o labas ng gobyerno. But let us not allow lies and name-dropping to destroy reputations or weaken faith in Congress,” dagdag niya.
“I will not allow falsehoods to tarnish my integrity or the institution I lead. Under my watch, we will clean the system, punish the guilty, and protect the people’s money,” pagtatapos ni Romualdez. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
