Ni LILY REYES
SINAMPAHAN ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Quezon City Regional Trial Court at Metropolitan Trial Court ng 14 na kasong kriminal ang mga opisyal at accountant ng dalawang korporasyon.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na sinampahan ng kasong kriminal ang limang corporate officers at accountant ng umano’y ghost corporations, at ito ay ang Decarich Supertrade, Inc., at Redington Corporation, dahil sa pagbebenta ng mga pekeng resibo at sales invoice.
Ang kaso ay nag-ugat sa ikinasang Run After Fake Transactions Task Force (RAFT) ng BIR.
Sinabi ni Lumagui na matapos ang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ), nakitaan ng ‘probable cause’ para masampahan ang dalawang kumpanya ng patong-patong na kaso gaya ng Tax Evasion (Section 254, NIRC), Failure to File Tax Returns (Section 255, NIRC), Failure to Supply Correct and Accurate Information in the Tax Returns (Section 255, NIRC), at Falsification ng Audited Financial Statements (Section 257 (A)(2), NIRC), para sa taxable year 2021
Giit ni Lumagui, ang mga ghost corporations na ito ay responsable sa pagkalugi ng pamahalaan ng hindi bababa sa P50 bilyong buwis sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga pekeng resibo at sales invoice.
Sa kasalukuyan, nasa 23 criminal charges na ang naisasampa ng BIR laban sa mga nagbebenta at tumatangkilik ng pekeng resibo.
