NASA 2,831 miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang inilipad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para magsilbing bahagi ng Special Electoral Board para sa nalalapit na midterm elections.
Ayon kay Area Police Command-Western Mindanao Commander at concurrent Special Task Force-BARMM Commander Police Lt Gen. Bernard Banac, katumbas ito ng 75.81% ng kabuuang 3,734 pulis na inaasahang ipadadala sa rehiyon.
Ang mga pulis ay mula sa 14 na police regional offices at PNP Maritime Group bilang mga augmentation force.
Itatalaga ang mga pulis sa iba’t ibang lokalidad sa limang lalawigan at tatlong lungsod sa BARMM upang tiyakin ang maayos, payapa at ligtas na halalan.
Kabilang ang BARMM sa mga binabantayan lugar na posibleng magkaroon ng mga karahasan sa eleksyon.
Gayunpaman, nilinaw ng PNP na sumailalim sa pagsasanay ang mga ibiniyaheng pulis sa pagganap bilang election officer.
Patuloy naman ang koordinasyon ng Special Task Force-BARMM sa Commission on Elections alinsunod sa direktiba ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil na masiguro ang kahandaan ng seguridad sa rehiyon sa eleksyon.
