SA gitna ng kawalang katiyakan matapos mawalan ng tahanan, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamahalaang lungsod ng Maynila na unahin ang pagpapatayo ng bahay ng hindi bababa sa 2,000 pamilyang kabilang sa mga nasunugan sa Isla Puting Bato sa Tondo.
Sa pagbisita sa Delpan Evacuation Center, nagpahayag ng kumpiyansa ang Pangulo sa kakayahan ni Manila City Mayor Honey Lacuna na agad na isakatuparan ang hiling ng mga nasunugan — ang makauwi sa sariling tahanan bago sumapit ang araw ng pasko.
“Talagang sa ngayon ay ang pangangailangan ay matayo ulit ang mga bahay,” wika ni Marcos.
“Pinangako ko po doon sa isang kasama natin sa isang evacuation center: ‘Pag kayo ay hindi pa namin naiuwi pagdating ng Pasko, ako’y pupunta rito magpa-party, magha-happy, magme-merry Christmas tayo sama-sama,” anang Pangulo kasabay ng pamamahagi ng tulong sa .
Isang linggo na ang nakalipas mula nang lamunin ng apoy ang hindi bababa sa 2,000 kabahayan sa isang komunidad na katabi lang ng Manila International Container Port (MICP).
Gayunpaman, nilinaw na Lacuna na maghahanap pa ang pamahalaang lungsod ng ibang lugar na pwede paglipatan ng mga nasunugan.
“Tingnan natin kung may ibang lugar maliban sa Isla Puting Bato na pwede silang mag-resettle dahil talagang hindi ligtas para sa kanila ang lugar na iyon,” ani Lacuna.
