SA kabila ng isang linggong mabigat na pagbuhos ng ulan dala ng bagyo at hanging habagat, walang planong magpakawala ng tubig mula sa tatlong dam ang National Irrigation Administration (NIA).
Ayon kay NIA administrator Eduardo Guillen, malayo pa sa spilling level ang Angat Dam sa Bulacan, Pantabangan Dam sa Nueva Ecija at Magat Dam sa lalawigan ng Cagayan.
Sa datos na nakalap ni Guillen, lumalabas na nasa 188.20 meters pa lang ang lebel ng tubig sa Angat Dam, 185.25 meters sa Pantabangan Dam, at 171.47 meters sa Magat Dam.
PAra kay Guillen, hindi pa sapat ang pagtaas ng tubig sa kabila pa ng malakas na pagbuhos ng ulan sa nakalipas na linggo.
“Hindi pa po tayo kuntento sa laman niya. Malayo pa ang spilling level pero malakas naman po yung inflow ng tubig. Inaasahan po nating tataas pa,” ang sabi pa ni Guillen sa isang panayam.
Iba naman aniya ang sitwasyon sa Ipo at Bustos kaya napilitan ang ahensya magpalabas ng tubig mula sa mga naturang dam dahil sa malakas na ulan na dala ng bagyong Egay.
Paglilinaw ni Guillen, ang Bustos at Ipo Dam ay maliliit kumpara sa Magat at Angat.
“Dito mo makikita yung importansya ng malalaking dams. Kahit malakas ang ulan, hindi po nagkakaroon ng flashflood kasi naiipon dito sa ating mga dam. ‘Yung mga dam na maliliit, nagkaroon ng pagbaha sa mga lugar na ‘yon,” dagdag pa ng opisyal.