SA nakalipas tatlong dekada, umani ng respeto sa larangan ng pulitika at negosyo si dating Senate President Manny Villar.
Higit na kilala si Villar sa angking husay pagnenegosyong nagdala sa kanya sa rurok ng talaan ng pinakamayamang Pilipino. Batid din ng nakararami ang kakayahan ni Villar na makisalamuha sa lahat ng klase ng tao – kesehodang bilyonaryo, de-kampanilya o pobre at tambay sa kanto.
Gayunpaman, tila mas nangingibabaw ang kahihiyang dulot ng asawang butangera. Dangan naman kasi, hindi na halos mabilang ang bulilyaso sa kanyang karera bilang mambabatas – mga patutsada kontra magsasaka at nars,panunumbat sa mga maralita sa lungsod ng Las Pinas, at maging sa hanay ng mga abang kawani ng gobyerno.
Usap-usapan na rin sa social media ang dalawang viral video kung saan kuhang-kuha ang pagwawala ng tinaguriang Mama Bear ng Senado.
Sa unang video na mayroong 7 million views, mga abang gwardiya ang tinalakan ni Sen. Cynthia Villar. Nakakatawang isipin na nagbubunganga ang maybahay ni Manny Villar dahil sa nakahambalang na barikadang nasa loob ng BF Resort Village, isang pribadong residential subdivision.
Hindi malinaw ang puno’t dulo sa likod ng pagwawala niya pero ang sigurado, hindi angkop na asal para sa isang mataas na opisyal ng gobyerno ang ipinamalas ni Donya Cynthia na animo’y nagpapalamon sa pamilya ng mga ininsultong mga tao.
Sa isa pang video, mga residente naman ng Talango Compound sa Pamplona Dos ang kanyang binutakan.
Ayon sa mga residente, nais saraduhan ni Donya Cynthia ang daanan papasok at palabas ng kanilang maliit na komunidad kung saan nakatira ang tinaguriang iskwater ng mahaderang mambabatas.
Susmaryosep! Hindi pag-aari ng pamilya Villar ang Zapote River Drive kung saan hiling ng mga residente magkaroon ng maski kapirasong daan na kasya man lang ang isang tao.
Alam naman ni Donya Cynthia na karapatan ng bawat Pilipino na gumamit ng pampublikong imprastraktura at pasilidad na pinagawa gamit ang buwis na mula sa dugo’t pawis ng mga ordinaryong tao.
Pero giit ni Donya Cynthia, di daw pwedeng dumaan ang mga pobreng taga Talango Compound kahit pa pag-aari ng gobyerno ang Zapote River Drive.
“Owned by the government dito. Hindi kayo pwedeng dumaan dito. Talagang ganyan. pag kayo ay lumugar sa lupang walang right-of-way, problema mo ‘yan!” – yan ang eksaktong salita ng senador batay sa video na kuha mismo ng mga maralitang pinagkaitan ng ‘right of way’ ng isang mahaderang donya.
“Wala kayong karapatan dito, easement ito ng ilog! Isara mo ‘yan,” Villar said, raising her voice. “Ako, pinabayaan ko kayong dumaan dito, anong ginawa niyo? Dinadaan niyo rito yung motor niyo, kaya nagkagulo-gulo kami rito. Matigas ang ulo niyo eh,” bulyaw ng senador.
Teka, nakalimutan ko… sila nga pala ang bida sa Las Pinas kung saan hipag niya ang alkalde at ang anak niyang si Camille ang kongresista sa Kamara. Oops meron pa, silang mag-ina (Donya Cynthia at Mark), naman nasa senado na.
Nakakasuka!