TULUYANG masasayang ang nasa 390,000 doses ng bivalent COVID-19 vaccines na donasyon ng bansang Lithuania kung hindi pa rin maituturok sa mga mamamayan, ayon kay Health Sec. Ted Herbosa.
Panawagan ni Herbosa sa mga lokal na pamahalaan, paspasan ang pamamahagi ng mga nakaimabk COVID-19 bivalent vaccines bago pa man ang nakatalang shelf expiration efficacy ng naturang bakuna.
“Dapat magtuloy na iyan with the LGUs. Once it’s there, pwede na iyan in the center,” saad ni Herbosa.
“Ang nag-i-inject kasi hindi DOH, di ba, ang nag-i-inject LGU. Saka nakita naman ninyo iyong partnership dito. So, I think you understand, kami ang magdidistribute, nasa regional hubs and then we expect the DILG to actually implement this and help us implement inject,” dagdag ng Kalihim.
Nakatutok ang bivalent vaccines sa mga nagsusulputang Omicron subvariants ngayon ng COVID-19 na bagama’t hindi ganun kalubha ay mas madaling maihawa lalo na sa mga nakatatanda at may mga comorbidities.
Wala naman aniyang pagbabago sa mga prayoridad ng pamahalaan. Una sa talaan ang mga healthcare workers, mga matatanda at may mga comorbidities na siyang pinakalantad sa virus.
Inamin din ni Herbosa na kulang na kulang ang 390,000 doses ng bivalent vaccines, kaya habang nakikipagnegosasyon para sa mga donasyon, kailangan din umanong bumili ng pamahalaan sa kabila ng problema sa batas makaraang mapaso ang State of Emergency sa bansa.