NAPILITAN bumalik sa Villamor Airbase sa Pasay City ang eroplanong magdadala sana sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa South Cotabato matapos magkaroon ng aberya, pag-amin ni Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil.
Ayon Garafil, ang aberya rin aniya ang dahilan sa likod ng naantalang pagdating ni Marcos sa paglulunsad ng modern rice production program sa naturang lalawigan.
Gayunpaman, tiniyak ng Kalihim na nasa maayos ang lagay ng Pangulo.
Humingi naman si Marcos ng dispensa dahil sa ilang oras na paghihintay ng mga dumalo sa nabanggit na okasyon – “Humihingi ako ng paumanhin sa inyo dahil pinag-antay ko kayo ng ilang oras. Mukhang ginugutom na kayo,” ani Marcos sa mga magsasakang nakibahagi sa paglulunsad ng rice production at mechanization program.
Sa kanyang talumpati tiniyak ni Marcos na ginagawa lahat ng kanyang administrasyon para matiyak na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa.
Binanggit niya ang kahirapan ng Pilipinas sa pag-angkat ng bigas sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, matapos ihinto ng Thailand at Vietnam ang pagbebenta upang unahin ang kanilang lokal na suplay ng pagkain.
Ang consolidated rice production and mechanization program ay binubuo ng isang rice processing center, bodega, mga trak, at iba pang makina sa paggawa ng bigas, at iba pa.
Sinabi ni Marcos na umaasa siyang isasantabi na ng mga magsasaka sa South Cotabato ang tradisyunal na pamamaraan ng pagpapatuyo ng kanilang mga ani ng palay sa tabing kalsada.