KUNG pagbabatayan ang datos ng Department of Health (DOH), lubhang nakababahala ang kagat o kalmot ng mga alagang hayop.
Ayon sa DOH, pumalo sa 426 ang kumpirmadong kaso ng rabies sa buong taon ng 2024 – lahat ng biktima binawian ng buhay.
Base sa datos ng kagawaran, 45 percent ng sa mga naitalang kaso ng rabies ay mula sa kagat ng alagang hayop — patunay anila kung gaano kahalaga ang programang naglalayong bakunahan ang mga alagang hayop.
“Ang rabies ay isang nakamamatay na viral infection na nakakaapekto sa central nervous system ng tao na nakukuha mula sa infected na hayop sa pamamagitan ng kagat, kalmot, laway na dumikit sa sugat o laway na pumasok sa bibig, mata at ilong,” pahayag ng DOH.
Ibinahagi rin ng kagawaran ang mga sintomas ng rabies sa tao — lagnat, pananakit ng ulo, pamamaga at pamamanhid ng sugat, takot sa tubig at hangin, pagkairita o pagkabalisa, pagbabago ng isip, at pagkaparalisa.
Kasama rin anila sa mga senyales ng rabies sa hayop ang pagbabago sa ugali, pagiging agresibo, labis na paglalaway, pagkaparalisa, at pagkatakot sa tubig.
Panawagan ng DOH sa publiko, iwasan hawakan o lapitan ang mga hindi kilalang hayop. Hinimok naman ng ahensya ang mga pet owners na maging responsable at paturukan ng anti-rabies vaccine ang alagang hayop taon-taon.
