SIYAM sa kada 10 Pilipino ang kumbinsido sa husay na ipinamalas ng mga senador sa pagganap sa atas ng mandato, batay sa pinakahuling resulta ng pag-aaral ng Issues and Advocacy Center.
Batay sa non-commissioned Pulso ng Pilipino nationwide survey ng Issues and Advocacy Center na isinagawa mula Hunyo 23 hanggang Hunyo 30, nakapagtala ng positibong grado ang Senado ng Pilipinas sa unang taon ng administrasyon Marcos Jr.
Sa datos ng Issues and Advocacy Center, pumalo sa +83% satisfaction rating ang Senado mula sa 90% ng respondents na nagsasabing lubos silang nasiyahan sa pagganap ng mga senador sa kanilang tungkulin.
Nasa 7% naman ang nagsabing hindi sila nasisiyahan habang 3% ang deadma sa ginagawa ng mga mambabatas ng senado.
Tinukoy rin sa naturang survey ang mga top performing senators, kabilang sina Senador Raffy Tulfo (73%), Loren Legarda (67%), Migz Zubiri (63%), Imee Marcos (59%), Bong Go (59%) at Francis Tolentino (56%).