ILANG araw matapos magkasa ng manhunt operation ang Philippine National Police (PNP) laban sa limang kabaro, kusang-loob na sumuko ang mga pulis na pinaparatangan ng pagnanakaw at pangingikil sa isang computer shop na sinalakay kaugnay ng ilegal na operasyon ng online casino.
Kinilala ang mga dawit na pulis na sina Staff Sergeants Ryann Paculan at Jan Erwin Isaac; Corporal Jonmark Dabucol; at Patrolmen Jeremiah Pascual at John Lester Paga, pawang nakatalaga sa District Police Intelligence and Operations Unit ng Manila Police District.
Alegasyon ng negosyanteng si Herminigildo Mateo, pinasok di umano ng limang pulis ang pagmamay-aring computer shop sa Sampaloc, Maynila at nilimas ang P40 na kita ng establisyemento.
Tinarahan din umano siya ng mga operatiba ng P4,000 lingguhang kotong bilang proteksyon.
Unang sumuko sa tanggapan ng Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga suspek na agad namang iniharap kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr.
Sa paglutang ng mga suspek, itinanggi ang paratang ng negosyante, kasabay ng giit na lehitimo ang operasyon laban sa computer shop na nagsisilbing kanlungan ng ilegal na online casino.
Wala din anilang permit mula sa pamahalaang lungsod ng Maynila ang nasabing establisyemento.
Taliwas sa paratang, sila pa di umano ang pilit sinusuhulan ni Mateo.