MAKARAAN ilabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical ang Astronomical Service Administration (PAGASA) ang hudyat sa pagpasok ng El Niño, kagyat na inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga llkal na pamahalaan na magkasa ng mekanismong tugon sa epekto ng El Niño.
Partikular na tinukoy ni DILG Secretary Benhur Abalos ang 81 lalawigan, 145 lungsod, 1,498 munisipalidad at mahigit 42,000 barangay sa kanyang nilagdaang memorandum circular.
Tagubilin ni Abalos sa mga gobernador, alkalde at barangay chairman, paigtingin ang aksyon sa loob ng kanilang nasasakupan.
Kabilang sa aniya’y dapat isakatuparan agad ang pagpapatibay ng mga ordinansa laban sa ilegal na koneksyon, kampanya sa pagtitipid sa ko sumo ng tubig, emergency leak repairs, exemption sa number coding sa hanay ng mga sasakyang gamit sa paghahatid ng supply, pagkukumpuni ng tumagas na linya, at pag-iimbak ng relief goods bilang bahagi ng contingency plan kontra El Niño.
Inatasan rin ni Abalos ang mga alkalde na magsagawa ng massive information, education at communication campaign sa pagsuri at pag-imbak ng tubig-ulan.
“Ang pagtitipid ng tubig ay isa sa mga pangunahing aksyon na kailangang gawin upang mabawasan ang epekto ng El Niño at bilang mga pampublikong tagapaglingkod, dapat tayong magpakita ng halimbawa. Ang mga hakbang sa pag-iingat na ito, kahit na maliit, ay maaaring gumawa ng isang malaking pagkakaiba na maaaring makaapekto sa ating mga komunidad,” anang kalihim.
Inabisuhan rin ni Abalos ang Bureau of Fire Protection (BFP) na iwasan ang hindi kinakailangang pagkuha ng tubig mula sa mga fire hydrant at limitahan sa pag-apula ng sunog.