ALINSUNOD sa programa ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), ganap nang umarangkada ang pagtatayo ng isang pasilidad na magsisilbing pansamantalang panuluyan ng mga pamilyang biktima ng sakuna sa bayan ng Magsaysay sa lalawigan ng Misamis Oriental.
Sa groundbreaking ceremony ng basketball court-type multi-purpose evacuation center (MPEC), binigyang pagkilala ng mga lokal na opisyal ng Barangay Cabubuhan ay pamahalaang bayan ng Magsaysay ang ambag ng PAGCOR sa kaligtasan ng mga mamamayang higit na apektado ng pagbaha at pagguho ng lupang dulot ng madalas na pananalasa ng bagyo.
Ayon kay Ramon Stephen Villaflor na tumatayong Vice President for Corporate Social Responsibility ng PAGCOR, bahagi ng mandato ng kanilang ahensya ang pagtugon sa mga tawag ng saklolo.
Ayon naman kay Magsaysay Municipal Mayor Charlie Buhisan, malaking bentahe ang pagkakaroon ng isang angkop na pasilidad na matagal na nilang pinapangarap, sa hangaring tiyakin ang kaligtasan ng humigit kumulang 40,000 mamamayan sa nasasakupang bayan.
Kabilang din sa mga dumalo sa seremonya sina PAGCOR Senior Manager Rydel Kristian De Guzman, Asst. Vice President for Community Relations and Services Department Eric Balcos, Magsaysay Vice Mayor Grace Abao, at Magsaysay Councilor Mario Betonio.