HINDI pa man ganap na nabibigyan ng solusyon ang mahabang oras ng brownout sa Oriental Mindoro, mga residente naman mula sa mga isla ng Panay at Negros ang umaalma sa anila’y pasumpong-sumpong na supply ng kuryente sa kanilang lalawigan.
Sa Senate Resolution 579 na inakda ni Sen. Grace Poe, hinikayat ng mambabatas ang pamahalaan – partikular ang Department of Energy (DOE), na agad pagtuunan ang mga mekanismong magbibigay katiyakan sa walang puknat ng supply ng kuryente sa naturang lalawigan.
Para kay Poe, labis na nakakaapekto sa pang-araw-araw ng buhay ng residente at gawaing pang-ekonomiya sa rehiyon ang pasumpong-sumpong na daloy ng enerhiya hindi lamang sa Oriental Mindoro at Panay, kundi maging sa iba pang lalawigan.
“Ang paulit-ulit na power interruption at malawakang blackouts ay hindi dapat maging paraan ng pamumuhay sa Panay island,” ani Poe na tumatayong chairperson ng Senate Committee on Public Services.
“Dapat solusyunan ng kinauukulan ahensya ng gobyerno ang problema para matapos na ang paghihirap ng mga residente doon,” dagdag pa niya.
Binigyang diin pa ni Poe na dapat matukoy ang pangunahing sanhi ng grid disturbances na iniulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil umano sa pagbagsak ng distribution utilities (DUs).
Kasabay nito, dapat alamin din sa pagdinig ang posisyon ng mga electric cooperative sa Panay at Negros kung saan lumalabas na NGCP ang sanhi ng problema sa malawakang brownout sa nasabing mga isla.
Sa ulat ng kooperatibang nangangasiwa sa paghahatid ng supply ng kuryente sa mga negosyo at kabahayan, nagkaroon ng voltage fluctuation at frequency imbalance sa linya sa ilalim ng pamamahala ng NGCP.
“Kailangang kagyat na matukoy ang ugat ng grid disturbances, magpatupad ng agarang solusyon at alamin kung sino ang dapat managot para matapos na ang sisihan sa pagitan ng NGCP at ng Dus at tukuyin ang posibleng pagkakaroon ng paglabag sa prangkisa,” ayon kay Poe.
“Kailangan din tingnan ang pangmatagalang solusyon sa power interruptions and outages sa likuran ng manipis na suplay ng kuryente sa Visayas grid.”