KUMBINSIDO ang House prosecution panel na gawa-gawa lang ang nasa 23 kakatwang pangalan na ginamit ng Office of the Vice President (OVP) bilang katibayan sa paggamit ng P500 million confidential funds na inilaan sa nasabingtanggapan.
Sa Day 14 ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte, kinumpirma ni Commission on Audit (COA) supervising auditor Xylene Mae Del Campo ang pagsusumite ng OVP ng acknowledgment receipts (ARs) bilang bahagi ng liquidation report para sa confidential funds na ginastos noong 2023.
“During the evaluation po, I tabulated ang acknowledgment receipts based sa date kung kailan sila na-execute, the expense and the amount po,” anang COA official.
Sinabi ng prosekusyon na sa unang anim na buwan ng 2023, aabot sa 1,049 ARs ang na-tabulate ni Del Campo — 519 para sa 1st quarter at 530 naman sa sumunod na quarter.
Ilan sa alyas na ginamit sa ARs sina Pia Piattos-Lim, Ralph Josh Bacon, Anne Ongpauco, Heart Santiago, Feonna Villegas, Beth Revilla, Clarisse Hontiveros, Jose Diokno Jr., Diane Maple Lapid at John A. Lapid Jr.
Nakalagay sa nasabing dokumento na ₱140,000 ang ibinigay kay Piattos-Lim para sa purchase of information; ₱150,000 naman kay Bacon; ₱250,000 kay Santiago para sa supplies at ₱500,000 naman kay Villegas para sa medical at food aid expenses.
Para naman sa third quarter ng 2023, lumutang ang mga pangalang Beverly Claire Pampano, Matthew N. Keso, Nova Santos, Salah Casim, Renan Piatos, Xiaome Ocho, Jay Kamote, Miggy Mango, Kokoy Villamin, Contis, Connor Adrian, Honeylet Camille Sy, Kristine Applegate Estrada at Denise Tanya Escudero.
Sa pagsusuri ng COA, ₱250,000 ang napunta kay Keso; ₱200,000 kay Kamote, ₱50,000 naman kay Mango at ₱120,000 kay Escudero.
Ani Del Campo, nagsagawa lamang sila sa COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) ng compliance audit at hindi na inalam ang tunay na pagkatao ng mga nakalistang recipient o pinagbigyan ng OVP confidential funds.
“Sa ICFAO po kasi ang ginagawa namin is compliance audit po. Tinitingnan po namin kung compliant ba sa Joint Circular at kumpleto at proper ba ’yung mga liquidation documents.” Sabi pa ng COA official.
“Yung mga acknowledgment receipts po na purchase of supplies, hiningan ko po ng additional documentation to ascertain po na ipinambili po talaga ito ng supplies,” dagdag niya.
