NI EDWIN MORENO
MATAPOS ibasura ng korte ang hirit na hospital arrest, sa pagamutan pa rin ang ending ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy bunsod ng di umano’y pananakit ng dibdib.
Pag-amin ng Philippine National Police (PNP), Biyernes pa nang dalhin si Quiboloy sa Philippine Heart Center matapos dumaing ng matinding pananakit ng dibdib at hindi pangkaraniwang pagtibok ng puso.
Kahit walang utos ng husgado, inilabas ng PNP si Quiboloy sa PNP Custodial Center sa Camp Crame para dalhin sa Philippine Heart Center.
Nahaharap sa santambak na kasong kriminal ang kontrobersyal na religious leader. Kabilang sa mga kinakaharap na asunto ng tinaguriang “Son of God” qualified human trafficking na isinampa sa Pasig City regional trial court at kasong panghahalay na nasa Quezon City RTC.
Kapwa walang piyansa ang mga nabanggit na kaso.
Swak din sa rekord ni Quiboloy ang kasong paglabag sa Republic Act 7610 na mas kilala sa tawag na Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.