MULING pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga aspirante sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kaugnay ng paggamit ng social media sa hangaring isulong ang napipintong kandidatura.
Sa kalatas ng Comelec, hayagang nagbabala si Comelec chairman George Garcia sa posibleng diskwalipikasyon kung makikitaan ng ebidensya kaugnay ng premature campaign.
Paalala ni Garcia, may takdang panahon para mangampanya para sa BSKE – mula Oktubre 19 hanggang 28 ng nasabi rin buwan.
“Bawal umikot. Yung pamimigay ng ayuda na wala namang ayudang dapat ipamigay at hindi naman regular na ginagawa ay pangangampanya na yan,” paliwanag ng Comelec chief.
Batay sa pinagtibay ng calendar of activities ng Comelec, ipatutupad ng poll body ang mga restriksyon kasabay ng pagpasok ng election period sa Agosto 28 na hudyat ng pagtanggap ng certificate of candidacy
Kabilang sa mga mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng baril, pagawaing bayan, pamamahagi ng pera at ayuda.
Nakatakda ng BSKE sa Oktubre 30.