
LITERAL na nilayasan ng mga lider ng isang transport group ang pagdinig na pinatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos muling hingan ng panibagong petisyon para sa isinusulong na dagdag-pasahe.
“Umalis na kami. Nagpatawag ng hearing sa amin ang LTFRB para sa hiling naming jeepney fare hike, tapos sasabihin lamang sa amin na mag-formal petition kami”, pahayag ni Lando Marquez na tumatayong national President ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP).
Paliwanag ni Marquez, nakapagpasa na sila ng request letter sa LTFRB para sa P2 dagdag-pasahe batay sa LTFRB memorandum circular 2019-035 kung saan nakatakda ang probisyon ng automatic fare adjustment.
Kung may automatic fare adjustment, hindi na aniya kailangan ng mahabang panahon na karaniwang kinakain sa mga pagdinig lalo pa’y may kapangyarihang naman di umano ang LTFRB na magpasya para sa tinawag niyang ‘provisional fare increase.’
“Tulad ngayon tumaas na naman ang presyo ng petrolyo, patuloy ang pagtaas, hihintayin pa ba natin na maging P10 ang oil price hike bago umaksyon ang LTFRB diyan e ngayon pa lang matindi na ang epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa amin,” dagdag pa ng transport leader.
Kahapon sa LTFRB hearing sa request na P2 fare hike ng jeepney group, inerekomenda ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na mag-submit ng formal petition para raw mas angkop ang proseso dito at mabalanse ang epekto ng oil price hike sa commuters.
“Bakit hindi kinilala ni Chairman (Teofilo) Guadiz ang memorandum circular 2019-035? Aanhin pa ang kabayo kung patay na ang damo? Ang linaw ng memorandum na yan, hindi ba niya naiintindihan? Lupaypay na mga driver at operator sa epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina tapos gusto pa niya public hearing? Eh di kakain ng mahabang proseso ‘yan. Matagal ‘yan.” aniya pa.
Tugon naman ni Guadiz, kailangan pa rin timbangin ang epekto ng hirit na dagdag-pasahe sa mga pasahero.
Una nang naghain ng petisyon para sa pisong dagdag-pasahe ang mga grupong Pasang Masda, ALTODAP at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO).
Isinusulong ng mga nasabing grupo gawin P13 ang minimum fare sa mga traditional jeeps mula sa umiiral na P12.