
PATULOY ang ginagawang pagpapakawala ng tubig sa tatlong dam sa Luzon sa gitna ng pananalasang dulot ng Habagat na sinabayan pa ng bagyong Hanna, sa ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa pinakahuling abiso ng PAGASA dakong alas 6:00 ng umaga, binuksan na rin ang isang tarangkahan ng Ipo Dam sa bayan ng Norzagaray sa lalawigan ng Bulacan. Ayon sa weather bureau, kinailangan mag release ng nakaimbak na tubig ang dam matapos lumabis sa 101-meter normal high water level (NHWL) ang naturang pasilidad.
Limang gate naman ang binusan sa Ambuklao Dam sa lalawigan ng Benguet kung saan pumalo sa 751.53 meters ang reservoir water level (RWL). Nasa 752 metro ang rekomendadong NHWL para sa Ambuklao.
Hindi kalayuan sa Ambuklao, binuksan na rin ang anim na water gates ng Binga Dam na may 573.23 metrong RWL. Mahigpuit na ipinatutupad sa naturang dam ang pag-imbak ng tubig na hindi hihigit sa 575 metrong NHWL.
Ayon sa PAGASA, minamatyagan na rin ang pagtaas ng tubig sa iba pang dam kanilang ang Angat Dam, na may 201.43 metrong RWL mula sa 200.48 metro na naitala noong nakaraang Sabado; San Roque Dam na may 257.89 metrong RWL mula sa 255 metro; Pantabangan Dam na may 192.23 metrong RWL mula sa 191.80 metro; sa Magat Dam na nakapagtala ng 178.77 metrong RWL mula 178.46 metro. .
Bahagya namang nabawasan ang water level sa iba pang Luzon dams kahapon, kabilang ang La Mesa Dam na may 79.63 metrong RWL na lang mula sa dating 79.67 metro noong Sabado at Caliraya Dam na mayroon lamang na 286.24 metrong RWL mula sa 286.34 metro ng nasabing ring araw.