
TANGING mga may permanenteng trabaho lang ang pwedeng magkabahay sa ilalim ng programang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH), ayon kay Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar.
Sa ginanap na budget deliberation ng Kamara para sa 2024 budget ng DHSUD, nilinaw ni Acuzar na bukas ang programa sa lahat – kahit minimum wage lang ang antas ng buwanang sahod.
Gayunpaman, hindi kumbinsido si Gabriela Rep. Arlene Brosas sa pandar ni Acuzar.
Ani Brosas, lubhang pahirapan sa hanay ng mga ordinaryong mamamayan makapasok sa pabahay ng gobyerno kung ang pagbabatayan ay ang mga nakalipas sa housing programs ng pamahalaan.
“Yung karanasan ng socialized housing yung mga benepisyaryo ‘yon po ‘yong tanong nila how can we resolve this kung ganito lang ‘yong programa natin sa 4PH,” patutsada ni Brosas sa programa ng DHSUD kung saan magbibigay ng subsidiya ang gobyerno sa interes ng uutangin halaga ng bahay.
Paglilinaw ni Acuzar, hindi limitado sa pagpapatayo ng mga bahay ang programang 4PH, kasabay ng giit na kinokonsidera din aniya ng kagawaran ang kabuhayan ng mga naninirahang pamilya.
Mistulang lecture din ang naging tugon ni Acuzar kay Brosas.
“Hindi ba mayroon tayong DOLE? Kanya-kanya po kaming papel sa mundo, dito sa Gabinete. Ang papel ng gabinete, pataasin ang sweldo at bigyan ng trabaho yung ibang Pilipino. Kami po sa DHSUD, bigyan ng pabahay. So ang ginagawa po ng programa na ito not only for the housing kasi ang Department of Human Settlement and Urban Development pag sinabi po human settlement pati po yung trabaho kasama po sa usapan. Basta ang programa po may trabaho, may bahay. Minimum wage earner sigurado po magkakabahay.”
Sarado naman aniya ang pinto ng programa sa mga walang trabaho.
“Iyon pong hindi nagtatrabaho, malamang hindi magkakabahay. Paano iyan mangyayari kung ikaw ay tamad at siya ay masipag? Pano po natin paghihiwalay yung masipag at tamad. Kung minsan po kailangan natin harapin ang katotohanan na sila ay hindi nagsisipag. Pano po yung nagsisipag na may bahay kaya po makakakita sila ng programa pag po kayo ay nagtatrabaho magkakaroon po kayo ng disenteng pabahay,” aniya pa.
Dito na nairita ang militanteng kongresista. Ani Brosas, hindi katamaran ang problema kung bakit hirap na magkaroon ng sariling bahay ang mga mahihirap.
“Itong 4PH program will not really address iyong poorest of the poor talaga na programa natin. At hindi po yun sa katamaran kasi 1985 pa po huling nagpatupad ng makatwirang dagdag-sahod, ngayon naman mumo naman yung tinataas niya, hindi pa nga tumataas ang ibang mga region eh. So kahit ang mga urbanized city sa mga rehiyon hindi tumataas ang sahod, so wala ka talagang asahan na parang earmark mo para sa pagbabayad ng bahay,” pagtatapos ni Brosas.