SA dami ng perang aagos sa nalalapit na halalan, isang bagong modus ang nadiskubre ng Commission on Elections (Comelec) kasabay ng babala sa mga kandidatong target umano ng mga manggagantso.
Panawagan ni Comelec Chairman George Garcia sa mga kandidato sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno, huwag patulan ang sindikatong nag-aalok ng “sure-win” sa bisa ng mga balotang may “secret markings.”
“Ngayon may bago. Hindi na machine kasi bumenta na yung machine eh… ngayon printing ng balota may secret na shade so that kung naka-shade na ang isang kandidato,” bungad ni Garcia.
“Yung kandidato na hinihingan nila ng pera, pag shinade therefore ang boto para sa kalaban ng kandidato, walang boto na make-credit. Kasi technically dalawa ang shade — isang invisible shade at saka yung shade na nilagay ng botante,” paliwanag ng Comelec chief.
Paglilinaw ni Garcia, imposibleng mangyari ang sinasabing sikretong shade sa balota na inilalako ng mga sindikatong tanging hangad ay ubusin ang pera ng mga kandidato.
“Yan ay hindi mangyayari. Impossible,” diin ni Garcia.
Nito lamang nakalipas na linggo, tatlong indibidwal ang inaresto matapos tangkain huthutan ng hindi bababa sa P90 milyon ang dalawang local candidates mula sa Cagayan.
