Sa pagnanais tiyakin hindi pera ang magiging basehan sa resulta ng nalalapit na halalan, inatasan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa mga bangko na matyagan ang kahina-hinalang transaksyon sa bank transfer at e-wallets na posibleng gamitin sa pagbili ng boto sa Mayo.
Partikular na tinukoy ng BSP ang sabayang pagpapadala ng pera mula sa isang ban account patungo sa mahabang talaan ng mga personal e-wallets.
Panawagan ng BSP sa mga nangangasiwa ng bangko, agad na ipagbigay alam sa Anti-Money Laundering Council ang mga anila’y “suspicious transactions.”
Bukod sa vote-buying, may mga insidente rin umano ng vote selling. Ang pagpasok ng maraming mga transaksyon sa isang account na hindi naman madalas nakakukuha ng ganun karaming transaksyon ay kailangang umanong bantayan.
Kasama na rin anila sa mga dapat pigilan ay ang tinatawag na abuse of state resources kung saan ang pondo ng pamahalaan ay ginagamit ng mga politiko sa pangangampanya.
Sa BSP Memorandum No. M-2025-006, hinimok din ni BSP Deputy Governor Chuchi Fonacier ang mga bangko at iba pang mga financial institutions na paigtingin ang kanilang mga sistema para mas madaling matukoy at mapipigilan ang mga pekeng account at kaduda-dudang mga transaksyon.
