KUMPIYANSA ang isang dating Philippine National Police chief na hindi siya kayang salingin ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crime against humanity bunsod ng mga patayan sa giyera kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, pinangakuan siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na hindi siya hahayaan magagalaw ng ICC.
“During the campaign, nag-usap kami nu’ng tumatakbo pa lang siya at ako’y nagre-represent kay Mayor Inday Sara… Ang sabi niya kahit isang buhok mo hindi mahahawakan ng ICC kahit na wala akong buhok ha,” wika ni dela Rosa na kabilang sa mga kinasuhan ng mga naulila ng mga biktima sa war against drugs ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
Para kay dela Rosa, hindi lang basta pangako ng isang tao ang binitawang salita ng nooy kandidato – kundi isang katiyakan sa paninindigan ng gobyerno laban sa mga nais salingin ang soberanya ng Pilipinas.
“Not only a promise for me personally, but a promise to the country, for the nation na dedepensahan talaga niya ang soberanya ng ating bansa at hindi siya basta-basta magpapabully diyan sa mga entities na ‘yan like ICC,” dagdag pa niya.
Gayunpaman, nananatiling tikom ang Palasyo sa kwento ni dela Rosa, kasunod ng pagbasura ng ICC sa inihaing apela ng pamahalaan laban sa imbestigasyon sa giyera kontra droga ng dating Pangulo.