
BUKOD sa kuyang kongresista, kaladkad na rin sa kasong pagpatay kay Gov. Roel Degamo ang dating gobernador na kapatid ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr., matapos isiwalat ng Joint Task Force Negros ang di umano’y nadiskubreng kagamitan ng mga salarin sa loob ng pagmamay-aring sugar mill.
Ayon sa Joint Task Force Negros, kabilang sa mga narekober ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pinasok na sugar mill na pag-aari ni former Gov. Pryde Henry Teves ang ID ng mga salarin at maging ang mga kasuotang pinaniniwalaang ginamit ng mga itinuturong killer ni Degamo.
Pasok din sa talaan ng mga nasamsam ng CIDG sa 50-ektaryang pasilidad sa bayan ng Sta. Catalina ang isang silencer, flash drive, rifle cleaning equipment, caliber .45 cartridges, Swiss knife, at iba pang isinailalim sa pagsusuri ng mga forensic experts.
Unang kinumpiska ng mga operatiba ang mga high-powered firearms, mga bala, pampasabog at P19-milyong cash sa unang araw ng pagsalakay sa sugar mill ng batang Teves.
Arestado rin ang tatlo kataong di umano’y personal bodyguard ng dating gobernador.