HINDI tulad ng ibang kaso ng pamamaslang, mabilis na naparusahan ang suspek na pinaniniwalaang nasa likod ng mahabang talaan ng pagpatay sa Mindanao.
Sa pahayag ng Philippine National Police (PNP), agad na natunton – at napatay sa isang ‘engkwentro’ si Abdulkarim Hasim alyas Boy Jacket na di umano’y nanlaban sa police operation kaugnay ng pananambang kamakailan kay dating Ampatuan, Maguindanao police chief Lt. Reynaldo Samson.
Ayon kay Soccsksargen PNP Regional Director Brig. Gen. Jimili Macaraeg, likod kay Samson, ang napatay na suspek rin aniya ang nasa likod ng pagpatay noong Agosto ng nakaraang taon sa Barangay Kapinpilan sa bayan ng Ampatuan.
Kasamang napatay sa pananambang kay Samson ang iba pang pulis kabilang si Cpl. Salipuden Endab, habang sugatan naman sina Cpl. Rogelio Dela Cuesta Jr. at Cpl. Marc Clint Dayaday.
Sabit din si Hasim sa serye ng opensiba laban sa Philippine Army 40th Infantry Battalion, 601st Brigade na nakabase sa lokalidad ng Datu Hofer, Maguindanao del Sur.
“This also serves as a warning to all those who perpetrate violence against law enforcement authorities that they will be held accountable for their actions,” ayon naman kay PNP chief Rodolfo Azurin.