KASABAY ng masusing pagtalakay ng sa bicameral conference committee ng panukalang budget para sa taong 2026, kumpiyansa si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na maninindigan ang Senado hanggang dulo para tiyakin walang makakalusot na pork barrel.
Ani Lacson, na higit na kilala bilang mahigpit na tagapagbantay sa kaban ng bayan, kabilang sa paninindigan ng Senado ang pagratipika sa “enrolled” o pinal na bersyon ng budget bill upang maiwasan ang posibilidad ng mga “last-minute insertions.”
“Dapat maging pork-free. Kasi sobra naman kung ang daming makakasuhan, meron pa ring mag-insist na gumawa ng kalokohan at pagkakitaan ng public fund. Sagad na sa buto ang kagahaman noon,” wika ni Lacson sa isang panayam sa DWIZ.
“Give-and-take ito, to a point importante ang budget mismo mapangalagaan natin ang integridad at maiwasan ang pansariling interest. Ok ang interest ng constituents pero pag umiral ang pansariling interest iisipin lang magkano ma-kickback lalo sa infra projects yan ang masama,” dagdag niya.
Sinabi rin ng senador na bukod sa mga repormang pinasok ng mataas na kapulungan sa senate version ng budget bill, naglatag din aniya sina Senate President Vicente Sotto III at Senate finance committee chairman Sherwin Gatchalian ng bagong ideya — ang pagratipika ng mga senador hindi lamang ang bicameral conference committee report kundi ang mismong enrolled bill.
“Ang isa pang gagawin namin sa Senate halimbawa nakumpleto na at may bicam report, hindi yan ang aming ira-ratify. Ang ira-ratify namin mismo ang final version which is the enrolled bill. Naka-incorporate doon ang bicam report,” ani Lacson.
Dagdag ni Lacson, ilang mahahalagang reporma ang ipinasok ng Senado sa bersyon nito ng 2026 budget bill, kabilang ang:
* Pag-alis ng allocables sa budget bill. Tinukoy ni Lacson ang allocables bilang bagong pork barrel dahil pinapayagan nitong pondohan ang mga proyekto kahit hindi pa tukoy, na nagbubukas ng pinto sa iba pang aabuso tulad ng dayaan sa bidding na pabor sa piling mga kontratista.
* Pag-alis ng Sustainable Infra Projects Alleviating Gaps (SIPAG), na marami umanong item ay kapareho ng — at posibleng doblado sa — mga proyekto sa ilalim ng Basic Infrastructure Programs (BIP) ng Department of Public Works and Highways.
* Pagbabawas sa unprogrammed appropriations upang matiyak na para lamang ito sa mga lehitimong gastusin tulad ng foreign-assisted projects at AFP modernization program.
Dagdag pa aniya ang transparency sa proseso ng badyet sa pamamagitan ng livestreaming mula sa mga committee hearing hanggang sa mga pulong ng bicameral conference committee.
“Ang magandang mangyayari ngayon magkaroon sila ng sense of responsibility bantayan ang in-introduce nilang amendment lalo sa infra at maski soft project. Yan ang magandang dulot na transparent and identifiable ang nag-introduce ng amendment,” pahabol ni Lacson. (ESTONG REYES)
