
ANIM sa 10 Subscriber Identification Modules (SIM) cards ang nakarehistro batay sa panuntunan ng SIM Registration Act, ayon sa National Telecommunications Commission (NTC).
Sa datos ng NTC, may kabuuang 102,062,372 (katumbas na 60.75%) na ang kabuuang bilang ng SIM cards na nakarehistro mula nang ipatupad ang SIM Registration Act noong buwan ng Disyembre ng nakalipas na taon.
Sa nasabing bilang, pinakamarami ang nakarehistrong Smart SIM cards na may kabuuang 48,255,741 (katumbas ng 72.78%) registrants. Nasa ikalawang pwesto naman ang Globe na may 46,655,389 (katumbas ng 53.78%) registrants at DITO Telecommunity na mayroong 7.1 milyong registrants.
Muling pinaalalahanan ng NTC at ng Department of Information and Communication Technology (DICT) ang publiko na irehistro na ang kanilang SIM cards upang makaiwas sa deactivation at abala.
Mayroon na lamang Hulyo 25, 2023 ang mga di pa rehistradong SIM cards na magpatala.