
WALANG puwang sa Philippine National Police (PNP) ang mga asal kalye, ayon kay Civil Security Group (CSG) spokesperson Eudisan Gultiano kaugnay ng pulis na sangkot sa viral video ng road rage sa Valenzuela City kamakailan.
Sa isang panayam, kunimpirma ni Gultiano na tao ng CSG ang Police Staff Sergeant na nahulicam sa pagbunot ng baril at pagposas sa kamay ng truck driver na nakaalitan bunsod ng away-trapiko.
Kumpiskado na rin aniya ang service firearm ng hindi pinangalanang pulis na nakatalaga sa CSG Satellite office sa Fairview, kasabay ng pagtitiyak ng isang patas na imbestigasyon.
Bagamat, nagkasundo na ang pulis at nakaalitang driver, sasampahin pa rin ani Gultiano ng kasong administratibo ang naturang pulis.
Paliwanag ng sinibak na pulis, hinabol niya ang trak drayber na di umano’y kumaripas matapos masagi ang kanyang kotse sa lungsod ng Valenzuela.
Hindi rin aniya totoong nagpaputok siya ng kanyang service firearm.